Iginiit ng House prosecution panel na hindi pa rin napapabulaanan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga bank account at balanse na bahagi ng umano’y ₱817.87 milyong unexplained wealth na tinukoy ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera.
Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, kinumpirma na ng mga bank manager na iniharap ng prosekusyon ang bank accounts bagay na hindi nakadeklara sa SALN ni VP Sara.
Ayon naman kay House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr., kabilang sa mga rekord ang mga year-end balance na lumampas sa ₱20 milyon at ₱30 milyon sa ilang partikular na taon.
Nilinaw din niya, na ang mga kinatawan ng bangko na hindi na itinuloy iprisinta ng depensa ay nakatakda sanang magpatunay lamang sa mga liham na ipinadala ni Carpio, at hindi upang tutulan ang mismong balanse ng mga account.
Dagdag pa niya, wala pang inihaharap na testigo ang depensa upang itanggi ang pag-iral ng mga account o direktang pasinungalingan ang mga rekord.