Nauunawaan ni House Prosecutor Terry Ridon ang naging sentimyento ng ilang senator-judges, partikular na si Senator Pia Cayetano, sa naging direksyon ng pagtatanong ng prosekusyon ukol sa mga sapatos na ipinamigay sa mga atleta at iba pang kasama sa biyahe sa Malaysia.
Matandaang nagpahayag ng pagka-dismaya ang ilang senador sa naging takbo ng pagtatanong ng prosekusyon sa testigo ng depensa na si Chadrin Parian—ang co-parent ni Atty. Manases “Mans” Carpio na kasama sa nasabing biyahe at nakasaksi sa paglilibre ng sapatos sa buong delegasyon.
Ngunit ayon kay Ridon, malinaw ang layunin ng kanilang kampo: hindi nila kinukuwestiyon o binabawasan ang suporta sa mga atleta, sa halip, ang pinatutungkulan ng kanilang pagtatanong ay ang mismong kapasidad sa paggastos o level of expense ni Atty. Carpio.
Binigyang-diin ni Ridon, na ipinapaubaya na nila sa desisyon at pagtitimbang ng mga senator-judge kung paano susuriin ang mga naihayag na detalye sa paglilitis, lalo na ang malaking halagang ginastos ni Carpio na asawa ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte—na nahaharap ngayon sa mga seryosong alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman (unexplained wealth).