Wala pang natatanggap na anumang paliwanag o dokumento ang Senate Impeachment Court mula kay GenCorp corporate counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay kaugnay ng mahigit P2.14 milyong ibinayad ng GenCorp Industries kay Vice President Sara Duterte mula 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Impeachment Clerk of Court Atty. Renato Bantug, paaalalahanan niya si Punay na magsumite ng mga dokumentong magpapaliwanag sa naturang bayad.
Matatandaang sa naging impeachment trial noong miyerkules, hiniling ni Presiding Officer Chiz Escudero kay Punay na magsumite ng dokumentong magbibigay katwiran o magpaliwanag sa legalidad ng pagbibigay ng pera ng isang pribadong kumpanya sa bise presidente.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Punay na hindi stockholder si VP Sara at hindi rin ito bahagi ng operasyon at mga transaksyon ng GenCorp, bagaman idineklara ng bise presidente ang kaugnayan niya sa korporasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Nangako naman si Punay na hihingiin niya ang pahintulot ng kanyang kliyenteng GenCorp na kusang isumite ang mga dokumento. Kung hindi ito gagawin, mag-iisyu ang impeachment court ng subpoena.
Si Punay din ang naglahad na nagbayad ang GenCorp kay VP Sara ng mahigit 2.14 milyong piso na tinawag niyang return of investment mula sa umano’y “loose investment” ng bise presidente.