Naghain si Senador Mark Villar ng panukalang batas para higpitan ang regulasyon sa mga serbisyong nag-aasikaso sa labi ng mga namatay na alagang hayop, kasunod ng pagkakatuklas sa 29 na bangkay ng aso at pusa na itinapon lang sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2595 o panukalang Proper Aftercare and Memorialization of Pets’ Remains Act o PAMPER Act, layong magtakda ng malinaw na pamantayan para sa mga pet crematorium at iba pang pet aftercare service provider.
Itinatakda sa panukala na ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI) at katuwang ang iba pang ahensya, ang magtatakda ng accreditation guidelines at operating standards para sa mga establisyimento
Pangunahing magpapatupad nito ang mga lokal na pamahalaan, kabilang ang pag-isyu ng mga permit at lisensya, pagpapanatili ng rehistro ng mga lehitimong provider at pagsasagawa ng regular at biglaang inspeksiyon.
Inaatasan din ang mga provider na sumunod sa mga pamantayan sa kalinisan, pag-iimbak, paghawak at transportasyon ng mga labi ng hayop.
Magtatakda rin ang panukala ng multang 100,000 pesos hanggang 500,000 pesos sa mga magpapatakbo nang walang kinakailangang accreditation, lisensya o permit.
Para naman sa ilegal na pagtatapon o pag-abandona sa mga labi ng hayop, maaaring makulong nang isa hanggang dalawang taon at magmulta ng hindi bababa sa 100,000 pesos sa unang paglabag. Mas mabigat ang parusa sa ikalawa at mga susunod na paglabag, na aabot sa sampung taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa 500,000 pesos.