Doble-higpit na pagbabantay at pagmamanman ang isinasagawa ngayon ng Department of Energy – Visayas Field Office (DOE-VFO) kaugnay ng mga inspeksyon nito sa iba’t ibang fuel retail outlets sa buong rehiyon upang matiyak ang mahigpit at tapat na pagsunod sa malaking bawas-presyo sa langis na epektibo noong Nobyembre 10.
Mas pinaigting din ang pagbabantay bunsod ng nakaambang panibagong rollback sa petrolyo sa darating na Martes, November 17, 2026.
Sa pamamagitan ng kanilang mga monitoring team, masusing sinisiyasat ng ahensya ang pump prices at mga price display board upang tiyaking naipatutupad nang wasto ang mga inanunsyong bawas-presyo, na magbibigay-daan sa mga motorista at ordinaryong mamimili na lubos na makinabang.
Kaugnay nito, agad na pinagsusumite ng paliwanag ang mga establisyimentong nabigong sumunod sa direktiba.
Naglabas na ang DOE ng mga Show Cause Order (SCO) sa mga non-compliant na retail outlet, na nag-aatas sa mga ito na magsumite ng pormal na written explanation sa loob ng 24 oras.
Upang mas mapalawak pa ang saklaw ng pagbabantay, nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan sa buong rehiyon upang matiyak na walang gasolinahan ang makalulusot sa mga ipinag-utos na regulasyon.
Hinikayat din ng DOE ang publiko na maging mapagmatyag at iulat ang anumang kahina-hinalang iregularidad sa presyo upang agad itong maaksyunan ng kagawaran.
Karampatang parusa at multa ang nakaabang sa mga gas station at retailer na paulit-ulit na lalabag sa mga regulasyon ng DOE.