Binigyang-diin ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Don Artes na bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang pagiging maayos at handa sa tuwing may mahahalagang bisita, kasabay ng pagdepensa sa ahensya laban sa mga batikos na ngayon lamang pinapaganda at nililinis ang Kalakhang Maynila dahil sa pagdaraos ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit.
Sa isang panayam, nilinaw ni Artes na hindi “ningas-kugon” o pakitang-tao lamang ang kasalukuyang pagsasaayos sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Aniya, bahagi na ito ng karaniwang operasyon at mandato ng ahensya sa buong taon.
“It’s part of our culture,” pahayag ni Artes bilang tugon sa mga komento ng publiko na biglaang gumanda at luminis ang kapaligiran sa pagdating ng mga delegado.
Dagdag pa ng opisyal, regular na isinasagawa ng mga tauhan ng MMDA ang paglilinis, pagpipintura, at pagsasaayos ng trapiko at mga imprastraktura.
Ipinaliwanag niyang mas napapansin lamang ito ngayon ng publiko dahil sa pinaigting na preparasyon at atensyong nakatutok sa bansa bilang punong-abala sa nasabing international event at gathering.
Sa kabila ng mga puna sa social media, tiniyak ng pamunuan ng MMDA na magpapatuloy ang kanilang mga hakbang sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa Kamaynilaan kahit matapos na ang ASEAN Summit.