Ramdam na sa ilang bus terminal ang pagdami ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong long weekend.
Kasunod ito ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18.
Bilang paghahanda, pinaigting ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inspeksyon sa mga bus terminal upang matiyak ang kondisyon ng mga bus at kahandaan ng mga driver at konduktor.
Una nang naglabas ang LTFRB ng special permits para sa 372 bus upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero.
Sa naturang bilang, 245 ang inilaan para sa Northern Luzon at 111 naman sa Central Luzon. Ang iba pa ay para sa Bicol, Southern Luzon, at Western Visayas.
Inatasan din ang mga regional office na tiyakin ang kaligtasan sa mga terminal at ang pagsunod sa fare discounts para sa mga senior citizen at persons with disabilities o PWDs.