Matagumpay na nakabalik sa bansa at nakumpleto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang kanilang kauna-unahang High Seas Boarding and Inspection o HSBI mission sa ilalim ng Western and Central Pacific Fisheries Commission o WCPFC.
Sa panayam ng programang BOSES kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, sinabi niyang lulan ng BRP Teresa Magbanua ang mga tauhan ng PCG at BFAR, kung saan naglayag sila nang humigit-kumulang tatlumpung araw.
Layunin ng misyon na siyasatin, tukuyin, at pigilan ang mga ilegal na aktibidad sa pangingisda upang maprotektahan ang mga yamang-dagat sa rehiyon.
Sa nasabing operasyon at inspeksiyon, 19 na Philippine-flagged fishing vessel ang nasuri, kung saan siyam na paglabag ang naitala.
Ang naturang hakbang ay patunay din ng patuloy na dedikasyon ng Pilipinas bilang kasapi ng WCPFC para sa pangmatagalang pangangalaga at napapanatiling paggamit ng mga yamang-dagat, partikular na ang mga uri ng tuna na lumilipat sa iba’t ibang bahagi ng karagatan.