Pinasisilip at pinasisiyasat ni Senator Raffy Tulfo ang plano ng Bureau of Immigration na maningil ng P240 border fee sa bawat Pilipinong lalabas ng bansa, kabilang ang mga OFW.
Ayon kay Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, kailangan itong imbestigahan lalo’t dagdag-gastos ito, partikular sa halos dalawang milyong OFW.
Sa Senate Resolution 772, nakasaad na maaaring maging salungat ang paniningil ng border fee sa mga special privileges na ibinibigay ng batas sa mga OFW at kanilang pamilya.
Matatandaang una nang sinabi ng Bureau of Immigration na pinag-aaralan nito ang nasabing border fee upang makalikom ng pondo para sa installation ng integrated border security platform sa 11 airport sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na umano’y mangangailangan ng P10.7 billion.
Sa paunang konsultasyon, sinabi ni Tulfo na ipinaglalaban ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac na i-exempt ang mga OFW sa ganitong border fee, gaya ng exemption sa travel tax at terminal fees.