Personal na nagtungo ngayong araw si Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Multi-Agency Coordinating Center (MACC) sa Philippine Trade Training Center (PTTC) sa lungsod ng Pasay.

Ito’y upang subaybayan ang paghahanda at nagpapatuloy na operasyon para sa seguridad kasunod ng pormal na pagbubukas ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Binigyang-diin sa nasabing pagbisita ang kahalagahan ng real-time monitoring at mahigpit na ugnayan sa pagitan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga lider ng ASEAN, mga delegado, bisita, at ng publiko.

Bukod dito, naglaan din ng oras ang PNP Chief upang bisitahin sa ospital ang 2 Pulis na nasangkot sa magkahiwalay na insidente habang naka-deploy para sa ASEAN Summit.
Kabilang dito ang isang pulis na naiulat na na-coma at isa pang motorcycle rider na nasangkot sa aksidente.
Nananatiling tapat ang PNP hindi lamang sa pagtiyak ng seguridad ng summit kundi pati na rin sa pangangalaga sa kapakanan ng mga nagseserbisyo para sa mapayapa at maayos na pagdaraos ng pagpupulong.