Tiniyak ng Police Regional Office 3 (PRO-3) na hindi maaapektuhan ang kanilang kampaniya kontra krimen sa Gitnang Luzon sa kanilang pag-alalay naman sa Metro Manila.
Ito’y bilang pag-alalay na rin ng rehiyon sa pagtitiyak ng seguridad at kaayusan para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits hanggang sa Miyerkules, November 18.
Ayon kay PRO-3 Director, Police Brig. Gen. Jess Mendez, alinsunod ito sa direktiba ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na paigtingin ang seguridad at siguruhin ang maayos, mapayapa at matagumpay na pagpupulong.
Sa katunayan, ani Mendez, noong November 15, umabot sa 1,853 Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) ang pinakilos sa buong rehiyon sa ilalim ng JBM Patrol System upang palakasin ang pagbabantay at pag-iwas sa krimen.
Binigyang-diin ng opisyal na habang tumutulong ang PRO-3 sa seguridad ng ASEAN Summit, mananatiling aktibo ang Police patrols at iba pang operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa Central Luzon.
Kasalukuyang naka-taas ang FULL ALERT status sa NCRPO, PRO3 (Central Luzon), at PRO-4A (CALABARZON) kaugnay ng ASEAN Summits.

