Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na kanilang ipatutupad ang batas laban sa anumang pagtatangkang guluhin ang hosting ng Pilipinas sa ika-49 na ASEAN Summit and related Summit.
Ito’y kasunod ng paulit-ulit na pagtatangka ng iba’t ibang progresibong grupo na makapasok sa mga lugar na pinagdarausan ng mga pagpupulong.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, nananatiling sapat ang bilang ng mga pulis sa kanilang mga puwesto para protektahan ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng Summit at nakahanda ang mga karagdagang tauhan para rumesponde.
Giit ni Nartatez, hindi nagkulang ang PNP ng pakiusap at paalala sa mga demonstrador na ilagay sa tamang lugar at panahon ang kanilang aktibidad.
Hindi aniya ugali ng mga Pilipino ang mambastos at ilagay sa balag ng alanganin ang seguridad ng mga bisita.
Inilabas ng PNP Chief ang pahayag kasunod ng mga pagtatangka ng ilang nagpoprotesta na lampasan ang hanay ng mga pulis para maisagawa ang kanilang mga aktibidad mismo sa mga lugar na pagdarausan ng ASEAN Summit.
Kasunod nito, inatasan naman ni Nartatez ang mga police commander at mga tauhan sa ground na huwag magambala ng anumang pahayag at alegasyong naglalayong ikompromiso ang kanilang pagtupad sa tungkulin.