Pinuri ni House Deputy Speaker at Zambales Representative Jay Khonghun ang malaking hakbang na nagawa ng Pilipinas sa pagbuo ng South China Sea Code of Conduct (COC).
Ayon kay Khonghun, ang magandang balita ay naganap kasabay ng ASEAN chairship ng Pilipinas.
Aniya, ito ay magsisilbing matibay na pundasyon para sa Singapore kapag ito na ang namuno sa regional bloc summit sa 2027.
Mula sa dating humigit-kumulang 50 porsiyento bago pamunuan ng Pilipinas ang ASEAN, umakyat na sa halos 80 porsiyento ang mga probisyon sa draft COC na pansamantalang napagkasunduan.
Bilang mambabatas mula sa Zambales na nakaharap sa West Philippine Sea, binigyang-diin ni Khonghun ang kahalagahan ng negosasyon para sa mga komunidad sa baybayin na umaasa sa ligtas na pangingisda.
Nauna nang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro na pangungunahan ng Singapore ang pagtatapos ng negosasyon sa sandaling maupo ito bilang ASEAN chair sa susunod na taon.
Umaasa ang mambabats na mareresolba ang mga natitirang isyu, sa pamamagitan ng patuloy na diyalogo at kooperasyon sa rehiyon.