Photo courtesy | Presidential Communications Office
Handa ang United Nations (UN) na suportahan ang ano mang talakayan sa pagitan ng Estados Unidos, China, at Russia para sa layong denukleyarisasyon.
Ginawa ni U.N. Secretary-General Antonio Guterres ang pahayag makaraang ianunsyo ng Washington ang nakatakdang trilateral meeting nina U.S. President Donald Trump, Chinese President Xi Jinping, at Russian President Vladimir Putin ngayong linggo sa sidelines ng APEC Summit sa China, kung saan isa sa sentro ng pulong ang denuclearization efforts.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, inihayag ni Guterres ang kahandaan ng U.N. na makaambag para sa tuluyang pagkamit ng nasabing layunin.
Bagaman hindi pa nagagarantiya na matatamo ang denukleyarisasyon ng tatlong bansang may malalaking stockpiles ng armas nukleyar, ito aniya ang nais ng lahat na makita sa hinaharap.
Matagal ng isinusulong ng U.N. ang tuluyang disarmament ng nuclear weapons lalo’t ang mga lumalalang tensyon sa geopolitical at tunggalian ng mga makapangyarihang bansa anila ay nagpapataas sa pandaigdigang bantang nukleyar.