Aminado ang ilang nagtitinda ng sariwang karneng baboy sa Murphy Market sa Cubao na nananatiling matumal ang bentahan nila ngayon.
Ito ay kahit pa bumaba sa ₱10 ang presyuhan nito na nasa ₱320 sa kada kilo ng kasim/pigue at ₱340-₱360 naman sa kada kilo ng liempo.
Ayon kay Mang Apple, may-ari ng isa sa mga stall rito, maraming mamimili ang nagtitipid pa rin kaya paunti-unti lang kung mamili ng baboy.
Aminado rin itong apektado ang kanilang paninda ng mga katapat na tindahan ng imported na baboy.
Marami kasi aniya ang tumatangkilik na rito lalo’t nasa ₱50 rin ang diperensya sa presyo.
Dahil dito, hindi pabor ang mga tindero ng sariwang karne na bawasan pa ang taripa sa pag-aangkat ng baboy dahil sila naman aniya ang maapektuhan nito.
Una nang hiniling ng Meat Importers and Traders Association (MITA) ang mababang taripa lalo na at pa-expire na rin ang executive order sa pagpapababa ng duty rates sa baboy.
Ayon sa grupo, ito ay upang maiwasan na rin ang pagtaas ng presyo ng imported products habang pinalalakas pa ng bansa ang lokal na produksyon.
Ayon naman sa Department of Agriculture (DA), kailangang maging balanse sa pagdedesisyon ng usaping ito at isaalang-alang ang interes ng lahat ng industriya. | ulat ni Merry Ann Bastasa