Pinanatili ng senado sa P733-M ang panukalang pondo para sa Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Kinumpirma ito ni senate committee on finance chairperson Senator Grace Poe matapos aprubahan ng senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Matatandaang ilang mga senador ang nagtutulak na madagdagan ang OVP budget matapos itong tapyasan ng higit isang bilyong piso mula sa 2 billion pesos proposed budget nito sa ilalim ng NEP (National Expenditure Program).
Samantala, ang alokassyong pondo naman para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) program ng DSWD ay ibinalik ng senado sa NEP-level.
Ayon kay Poe, bicameral conference committee na malalaman ang magiging kapalaran ng OVP at AKAP budget dahil kailangan pa nilang konsultahin ang kanilang House counterparts tungkol dito.
Inaasahang anumang araw ngayong linggo ay gagawin na ng dalawang kapulungan ng kongreso ang bicam para sa 2025 Budget Bill.
Sa parte ng senado, 17 senador ang kasama sa bicam panel sa pangunguna ni Poe. | ulat ni Nimfa Asuncion