Pinayuhan ng mga mambabatas na miyembro ng Young Guns bloc ng Kamara ang mga resource person sa ginagawang imbestigasyon ng House Blue Ribbon Committee ukol sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at DEPED.
Ito’y matapos maospital ang dalawa sa mga opsiyal ng OVP, partikular si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez dahil sa acute stress disorder at si Special Disbursing Officer Gina Acosta na tumaas ang presyon.
Ipinaalala ni La Union Rep. Paolo Ortega ang matagal nang kasabihan na ‘the truth will set you free’.
Inihalimbawa pa niya si dating PCSO General Manager Royina Garma na matapos sabihin ang katotohanan sa Quad Committee ay mas relax at gumaan ang kaniyang paglalahad sa komite
“sabi nga nila, minsan pag nagsasabi ka ng katotohanan ay nakaka, the truth will set you free. Nakakagaang po ng pakiramdam ang pagsasabi ng katotohanan. Naalala niyo po nung nag-affidavit po si Ginang Garma, ibang iba po yung pagsasalita niya pagkatapos niyang sabihin ang totoo, mas relaxed, mas diretso siya sumagot. Makikita mo po talaga yung diperensya.” Sabi ni Ortega
Sinusugan ito ni Zambales Rep. Jay Khonghun at sinabi na nakakatanggal ng sakit ang pagsasabi ng totoo.
Naniniwala rin si AKO BICOL Rep. Jil Bongalon na mas mabilis matatapos ang imbestigasyon ng komite kung makikipag tulungan lang ang mga resource person at hindi na sila mahihirapa na magpabalik-balik sa pagpunta dito sa komite.
“para mas mabilis nating matapos itong committee hearins. In fact, sabi ho ng aming chairman, siguro may isa o dalawa pa pong committee hearings. Pero kung hindi po makakadalo because of medical reasons, baka mas lalong tumagal po itong hearing…mas dapat sagutin na nila ng buong katotohanan para hindi na ho tayo tumagal po dito sa magiging committee hearings natin and hindi na rin sila mahirapan na pabalik-balik pa dito sa mga pagdalo sa mga committee hearings.” Ani Bongalon. | ulat ni Kathleen Forbes