Nagpahayag ng kagalakan ang mga lider ng Kamara sa pinakahuling credit rating upgrade na nakuha ng Pilipinas mula sa S&P Global na BBB+ o ‘positive’ outlook.
Sabi ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ang positibong credit outlook ay patunay ng mahusay na pamumuno at mga polisiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakatuon sa pagpapalakas ng ating ekonomiya.
Nakatulong din aniya dito ang proactive na pamamahala ng gobyerno at mga istratehikong reporma sa ekonomiya at pakikipagtulungan ng Kamara.
“Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Marcos, natutukan natin ang mahahalagang reporma na nagbigay daan sa mas matatag at mapagkakatiwalaang ekonomiya. Ito ang resulta ng maayos na kooperasyon sa pagitan ng ehekutibo at lehislatibo,” sabi ni Gonzales.
Tinukoy pa nito ang ilan sa mahahalagang lehislasyon gaya ng Public-Private Partnership (PPP) Act at amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT) Law.
Sabi pa niya na ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa gobyerno; ngunit para sa bawat Pilipino na nagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan.
Kinilala din ni Gonzales ang pagtuon ng administrasyong Marcos sa economic recovery sa kabila ng mga ingay politika.
Nagpaalala naman siya tungkol sa transparency sa paggamit ng pondo, dahil nakasalalay aniya dito ang tiwala ng investors na mamuhunan sa bansa.
Sa panig naman ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, na ang tagumpay na ito ay patotoo na nagbubunga na ang mga pagsusumikap ng pamahalaan.
“The House has been proactive in enacting legislation that fosters economic stability and growth. Our commitment to passing laws that encourage public-private partnerships has been instrumental in funding major infrastructure projects,” sabi ni Dalipe.
Sabi pa ni Dalipe, dahil sa bagong credit rating outlook na ito ay mas bababa ang pagbabayad ng interes at ang matitipid dito ay mailalaan na sa healthcare, edukasyon at poverty alleviation programs.
Magsisilbi din aniya itong hakbang patungo sa pagkamit ng ‘A’ rating.
“This achievement is a stepping stone towards attaining an ‘A’ sovereign rating, which will further boost investor confidence and economic opportunities,” diin ni Dalipe.
Kinilala naman ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ang ugnayan sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo sa pagtutulak sa mas maunlad na posisyon ng ekomomiya ng Pilipinas.
Aniya, ipinapakita nito na kapag nagkakaisa ang liderato ay magbubunga ito ng resulta para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
“Ang Kongreso ay aktibong nakikiisa sa administrasyon sa pagpasa ng mga batas na nagpapatibay at nagpapatatag sa ating ekonomiya. Ito ang tunay na diwa ng pagkakaisa para sa bayan,” sabi ni Suarez.
Pero hindi aniya dito natatapos ang pagsusumikap ng pamahalaan dahil target natin na makuha ang “A” credit rating.
“This positive outlook is not the end of the road – it’s a challenge for us to do better. We have the opportunity to further enhance our fiscal policies and governance structures. Kailangan natin ng tuloy-tuloy na pagtutulungan upang masiguro na ang bawat Pilipino ay makikinabang sa tagumpay na ito,” giit ni Suarez | ulat ni Kathleen Forbes