Sisikapin ng Murang Pagkain Supercommittee ng Kamara na mailapit ang presyo ng kada kilo ng bigas sa P20.
Sabi ni overall committee Chair Joey Salceda, target na masolusyunan ng komite na ibaba pa ang presyo ng kada kilo ng bigas na katumbas ng 22% ng kabuang gastos ng mga mahihirap na kabahayan, at ng pagkain na kumokonsumo naman ng 54% ng gastos ng low-income families.
Giit niya, sa ngayon nakikita niya na kakayaning maibaba pa ang presyo ng bigas ng hanggang P29 to P30 kada kilo.
“We will try to push the envelope as close to that as possible. What I can tell you is that it looks like there is a path to P30 per kilo,” sabi ni Salceda.
Para maisakatuparan ito kailangan naman na tutukan ang mga middleman at cartel.
Sa kabila kasi aniya ng tariff reduction sa imported na bigas na ipinatupad noong Hulyo ay tumaas pa rin ang consumer retail price ng hanggang 9%.
Kaya duda nila na mayroon pa ring anomalya sa rice trade sector.
“That’s why we are looking into rice price manipulation over the past ten or so years, starting with the rice price spike in 2012-2013, up to the price manipulation in 2016-2018, to learn from what happened, and to see whether the same network of smugglers and cartels are still in the game,” dagdag pa ni Salceda.
Diin niya, kailangan may masampolan na profiteers, hoarders, smugglers at cartelists, at regulatory patrons sa nangyaring pagsipa ng presyo ng bigas mula 2016 hanggang 2019, at pati sa hindi pa ring bumababang presyo ng bigas ngayong 2024.
Ipinunto pa nito ang farmgate price ng Central Luzon sa P20.02, kaya naman ang milled rice ay dapat nasa P30.08 kada kilo.
Kahit pa patungan aniya ito ng 20% profit, papatak pa rin dapat ng P37 kada kilo na malayo sa presyo ngayon sa merkado.
Inaasahan aniya na bago mag-Pasko ay makapagsumite na sila ng rekomendasyon kay Pangulong Ferinand R. Marcos Jr. upang matulungan ang presidente na masawata ang pang-aabuso bilang pamasko sa mga Pilipino.
“By Christmas, we will have initial recommendations for the President. Not yet the Committee Report, but we hope something that PBBM can use to crack down on price abuse. Pamasko man lang sa taumbayan,” dagdag pa ni Salceda | ulat ni Kathleen Forbes