Binatikos ni Quad Comm lead Chair Robert Ace Barbers ang paggamit ng pera mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at drug syndicates sa pag-operate ng mga troll para siraan ang komite at takutin ang mga witness.
“Patuloy ang paninira ng mga trolls na bayad ng POGO at drug money, sa mga miyembro at mga taong tumetestigo rito.”
Ani Barbers, ipinagtataka ng mambabatas ang napakalaking puhunan na umiikot sa trolls na inaalagaan ng mga nasasaktan sa mga bagay na nauungkat sa mga pagdinig kabilang na aniya ang mga malalaking pangalan na nagpoprotekta sa mga iligal na droga at POGO.
Sa kabila aniya ng ginagawang paninira sa imahe ng Quad Comm ay nakatuon pa rin sila sa pagpapalabas ng katotohanan.
Kaya naman patuloy din ang panawagan ng mambabatas sa may nalalamang impormasyon, na humarap at magsalita partikular na sa isyung iniimbestagahan tulad ng iligal na POGO, iligal na droga at extra judicial killing.
“Napakarami na pong nakita at nadiskubre dito sa Quad Comm hearings. Sa kabila nito, pilit itong binabatikos at minamaliit ng mga natatamaan…Subalit nais naming kayong garantyahan na habang kami ay pinipilit na sirain, kami po ay hindi titigil sa pag-ungkat ng mga bagay upang makita at maisiwalat ang buong katotohanan,” dagdag ni Barbers.
Samantala, hindi naman humarap sa pagdinig ng Quad Comm si Atty. Mans Carpio, mister ni Vice President Sara Duterte.
Paliwanag ni Carpio sa kaniyang sulat, na may mga isinampa na siyang kaso laban kay dating customs intelligence officer Jimmy Guban sa Ombudsman, Quezon City Prosecutor’s Office at Office of Provincial Prosecutor ng Pampanga.
Idinawit ni Guban si Carpio at Davao City Representative Paolo Duterte at dating Presidential Adviser Michael Yang sa umano’y smuggling ng P11 billion na halaga ng shabu sa Manila International Container Port noong 2018. | ulat ni Kathleen Forbes