Nakapagtala ang administrasyong Marcos ng fiscal surplus na P6.3 bilyon noong Oktubre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Ang positibong balanse sa badyet ay resulta ng mas mataas na koleksyon ng kita at mas mabagal na paglago ng gastusin ng pamahalaan.
Ayon sa BTr, ang surplus na ito ay isang malaking pagbangon mula sa P34.4 bilyong kakulangan sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Anila, ang paglago ng kita ay dahil sa mataas na revenue collection kung saan naitala ang 18.62% na pagtaas ng koleksyon ng BIR at 11.5% mula sa Bureau of Customs.
Sa kabila ng fiscal surplus, umabot sa P466.8 bilyon ang gastusin ng pamahalaan noong Oktubre, 11% na mas mataas kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Ang mataas na government spending ay dahil sa unang tranche ng salary adjustment para sa mga empleyado ng gobyerno; Performance-based bonuses ng Department of Education; gastos sa mga proyekto sa imprastruktura, programang pangkaligtasan, at kalusugan.| ulat ni Melany V. Reyes