Walang-tigil pa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa produksyon ng mga bagong stock ng Family Food Packs (FFPs) sa National Resource Operations Center (NROC) sa Lungsod ng Pasay.
Ito ay para masiguro na mananatiling sapat ang suplay ng FFPs at mapunan ang mga stock nito bilang tugon sa sunod-sunod na bagyong tumama kamakailan sa bansa.
Katuwang naman ng DSWD sa pagre-repack ang volunteers mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Air Force (PAF), Bureau of Fire Protection (BFP), TUPAD program beneficiaries, at iba pang walk-in volunteers.
Kamakailan lang nang muling magpadala ng karagdagang food packs ang DSWD sa mga nabiktima ng bagyo sa Catanduanes, Nueva Ecija, at pati na sa Albay.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na sa
kabuang 823,036 kahon ng family food packs ang naipamahagi nito sa mga komunidad na naapektuhan ng mga nagdaang bagyong Marce hanggang Pepito.
Kabilang sa nakinabang dito ang mga apektado sa Cagayan Valley, Ilocos, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Bicol, MIMAROPA, Eastern Visayas, at CALABARZON. | ulat ni Merry Ann Bastasa