Nagbigay ng babala ang PAGASA sa posibleng malalakas na pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone at shearline na inaasahang mararanasan sa ilang bahagi ng bansa ngayong linggo.
Ngayong araw, November 28, makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan (50-100 mm) ang Southern Leyte, Dinagat Islands, at Surigao del Sur. Bukas, November 29, madaragdagan ang mga lugar na apektado kabilang ang Aurora, Quezon, Eastern Samar, Southern Leyte, Dinagat Islands, at Surigao del Sur. Sa Sabado, November 30, inaasahan ang malakas na ulan sa Albay, Sorsogon, Catanduanes, Northern Samar, at Eastern Samar.
Babala ng PAGASA, maaaring mas lumakas pa ang ulan sa mga bulubundukin at mataas na lugar at maaaring lumala ang epekto sa mga lugar na dati nang binaha dulot ng nakaraang pag-ulan.
Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na disaster risk reduction and management offices na magpatupad ng mga kaukulang hakbang para sa kaligtasan.
Patuloy ding maglalabas ng Heavy Rainfall Warnings, Rainfall/Thunderstorm Advisories, at iba pang ulat ang PAGASA para sa mga apektadong lugar. Ang susunod na weather advisory ay ilalabas sa ganap na alas-11 ng umaga ngayong araw. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay