Umabot sa mahigit ₱14,795,000 halaga ng tulong pinansyal sa ilalim ng ‘Ayuda para sa Kapos ang Kita Program’ ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa halos 3,000 benepisyaryo na nabibilang sa sektor ng “near-poor,” minimum wage earners, at low income earners sa lalawigan ng Albay.
Ayon sa DSWD Bicol, tumanggap ng ₱5,000 tulong pinansyal ang nasa 2,959 benepisyaryo mula sa 25 barangay sa bayan ng Tiwi, Albay.
Bago ang pagsasagawa ng pamamahagi, nagkaroon muna ng pre-assessment sa mga magiging benepisyaryo ng ayuda upang masuri ang kanilang kwalipikasyon sa programa.
Saklaw ng AKAP ang mga indibidwal na kabilang sa kategoryang mababa ang kita, tulad ng mga tricycle driver, trabahador, magsasaka, kasambahay, security guard, barangay health worker, barangay tanod, sales ladies, karinderya worker, karpintero, at iba pa. Ayon sa ahensya, pinakamaraming benepisyaryo sa nasabing lugar ay mga mangingisda.
Ang AKAP ay isa sa mga inisyatiba ng gobyerno upang tugunan ang inflation. Ito ay tulong pinansyal sa minimum wage earners na nasa ilalim ng kategorya ng mababang kita na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng mga bilihin. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay