Tinanggap kahapon ng DSWD – Eastern Visayas ang 300MT na bigas, donasyon ng Ministry of Agriculture, Forestry, and Fisheries ng Japan para sa mga pamilyang apektado ng malawakang pagbaha at El Niño sa probinsya ng Leyte.
Ang bigas na katumbas ng 10,000 na sako ay pormal na tinurn-over nina Japan Embassy First Secretary and Agricultural Attache Akasaka Hidenori, at ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR) Secretariat General Manager Choomjet Karnjanakesorn kina Undersecretary of the Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose S. Cajipe at NFA OIC Deputy Administrator Mario G. Granada.
Kasunod nito, nagpa-abot ng pasasalamat ang kinatawan ni Leyte Governor Jericho Petilla sa donasyon ng Japan government na anya ay malaking tulong sa mga apektadong pamilya sa mga bayan ng Capoocan, Calubian, Dulag, Inopacan, Merida, Villaba, Hindang, Bato, Hilongos, and Palo, Leyte.
Ang okasyon ay dinaluhan nina NFA VIII Regional Manager Gerard Lim, DSWD Field Office VIII Regional Director Grace Subong, at local chief executives’ ng mga binipisyaryong bayan. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP1 Borongan