Hindi napag-usapan sa ipinatawag na meeting ni
Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaninang umaga ang patungkol sa sitwasyon ng pulitika sa kasalukuyan.
Ito ang sinabi sa Malacañang briefing ni National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Arsenio Balisacan, kasunod ng ipinatawag na pulong ng Pangulo sa economic managers.
Inihayag ni Balisacan, na nakatuon ang Pangulo sa trabaho nito at sa katunayan ay pinatitiyak ng Presidente na natututukan ang mga nakalinyang priority projects sa 2025.
Sinabi ng NEDA Chief, na pinasisiguro din ng Pangulo na may sapat na pondo para sa mga susunod na taong proyekto at masusustine ang pagpapatupad sa mga ito.
Kaugnay ng nagaganap ngayong usapin sa pulitika, inihayag ng economic team na wala namang nababanggit ang mga negosyante ukol dito, at tuloy-tuloy lang ang kanilang pagnenegosyo sa bansa.
Sa katunayan ayon kay DTI Secretary Cristine Roque ay inaasahan nilang daragsa pa sa bansa ang foreign investors. | ulat ni Alvin Baltazar