Plano ni Sen. JV Ejercito na magpatawag ng Oversight Committee hearing tungkol sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law.
Ayon kay Ejercito, papasok na tayo sa ika-5 taon ng pagpapatupad ng naturang batas kaya naman napapanahon nang silipin ang ginagawa sa implementasyon nito.
Sa susunod na taon balak ng senador na ikasa ang naturang pagdinig.
Konektado pa rin aniya ito sa paggasta ng budget ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ito ay para matiyak na hindi tinipid ang mga benepisyaryo at mga nangangailangan.
Una nang ibinahagi ni Ejercito na nagkasundo ang mga senador na bawasan nang bahagya ang subsidiya ng gobyerno sa PhilHealth.
Mula aniya sa P73 bilyon ay ginawa na lang P68 bilyon ng Senado ang alokasyong subsidiya sa PhilHealth sa kanilang pinal na bersyon ng 2025 budget bill.
Sakop ng subsidiya ng gobyerno ang indirect contributors ng PhilHealth tulad ng mga mahihirap na kababayan.
Giit ng mambabatas, kung hindi nagdeklara ng malaking savings ang PhilHealth ay malaki ang tyansang nadagdagan pa ang subsidiya para sa state health insurer. | ulat ni Nimfa Asuncion