Patuloy ang pagbaba ng presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa bansa base sa monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Para sa ikalawang bahagi ng Nobyembre, umabot sa ₱49.32 ang average retail price sa kada kilo ng regular milled rice na higit pisong mas mababa kumpara noong Oktubre.
Sa kabila nito, nagkaroon naman ng taas-presyo sa karneng baboy, galunggong, talong, kalamansi, at mantika.
Tumaas ng tatlong piso ang average retail price sa kada kilo ng liempo na nasa ₱353.22 per kilogram kumpara noong Oktubre gayundin ang kada kilo ng galunggong na ngayon ay nasa ₱217.09 ang kada kilo mula sa dating ₱214.73.
Malaki naman ang itinaas ng talong na mula sa ₱96.31 kada kilo sa unang bahagi ng Nobyembre ay pumalo sa ₱113.65 kada kilo sa ikalawang bahagi ng buwan.
Nasa dalawang piso rin ang itinaas ng kalamansi na mabibili sa ₱79.01 kada kilo habang ang presyo ng mantika ay bahagyang umakyat sa ₱162.29 kada litro.
Una nang sinabi ng DA na ang tumataas na presyo ng agricultural commodities ay bunsod ng epekto ng sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa kamakailan. | ulat ni Merry Ann Bastasa