Positibo ang ilang nagtitinda ng karne ng baboy sa plano ng Department of Agriculture na palawakin pa ang bakunahan upang supilin ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Una kasing inihayag ng kagawaran na babakunahan na rin ang mga baboy sa mga lugar na deklarado namang ASF-free o hindi apektado ng naturang sakit.
Ayon sa mga nagtitinda sa Agora Market sa San Juan City, mainam na mas maraming baboy ang mababakunahan upang tumaas na ang kumpiyansa ng mga mamimili na bilhin ang kanilang paninda.
Magugunitang naging matumal ang bentahn ng karne ng baboy noon, dahil sa takot ng ilang mga mamimili na bumili nito.
Dagdag pa nila, makatutulong din ang bakuna upang mapatatag ang suplay ng karne ng baboy na magreresulta naman din sa mas matatag na presyuhan.
Kasalukuyan kasing nakapako ang presyo ng karne ng baboy sa ₱320 hanggang ₱370 kada kilo depende sa parte gaya ng kasim at liempo.
Agosto ng taong ito nang ilarga ang bakunahan kontra ASF sa Lobo, Batangas dahil sa mataas na kaso. | ulat ni Jaymark Dagala