Masayang ibinalita ni Health Sec. Teodoro Herbosa na pasok na rin sa bagong health benefits package ang pangangalaga sa ngipin.
Ito ay matapos aprubahan nina Secretary Herbosa at ng Philippine Health Insurance Corporation Board of Directors en banc ang unang preventive oral healthcare benefit package ng bansa.
Ito ay idinisenyo upang magbayad para sa taunang regular na preventive oral care services para sa bawat Pilipino, tulad ng mouth examination/oral screening, dental prophylaxis o paglilinis, at fluoride varnish application.
Magkakaroon din ng bayad para sa pit and fissure sealant at mga Class V procedures kung kinakailangan, para sa hindi lalampas na dalawang ngipin.
Ang mga emergency na konsultasyon at pagbunot ng ngipin ay magiging bahagi din ng benepisyo.
Inaprubahan ng PhilHealth Board ang dagdag benepisyong pang primary care para sa bibig alinsunod sa pangkalahatang pananaw ng “Ngiting 70-20” para matiyak na mas maraming Pilipino ang aabot sa edad na 70 na may 20 pang permanenteng ngipin.
Ang pag-apruba ay kasabay ng paglahok ng bansa sa kauna-unahang World Health Organization Global Oral Health Meeting sa Bangkok, Thailand, na tumatakbo mula November 26 hanggang 29, 2024. | ulat ni Mike Rogas