Nagpaliwanag ang Philippine National Police (PNP) sa nangyaring re-assignment ng mga pulis mula Davao City patungo sa ibang Police Regional Office.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, ngayon lamang lumabas ang desisyon hinggil sa re-assignment dahil sa usapin ng “double blotter.”
Aniya, natagalan kasi ang ginawang imbestigasyon kaya’t naapektuhan din ang paglalabas ng desisyon hinggil dito.
Kaugnay naman ng usapin kay Vice President Sara Duterte na dating alkalde ng lungsod, nilinaw ni Fajardo na walang kinalaman sa politika ang ginawang re-assignment sa mga pulis.
Kaya naman pakiusap ni Fajardo, huwag nang kulayan ng politika ang naturang hakbang sa mga pulis na inilipat na sa Cagayan Valley, MIMAROPA, at Cordillera Regions. | ulat ni Jaymark Dagala