Naglabas ng Weather Advisory No. 14 ang PAGASA ngayong November 29, 2024, alas-5 ng umaga, kaugnay ng inaasahang malakas na pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone at Shear Line.
Ayon sa abiso, makararanas ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan ngayong araw, November 29, sa mga lugar tulad ng Eastern Samar, Dinagat Islands, at Surigao del Norte, kung saan maaaring umabot ang ulan sa 100-200 mm.
Samantala, katamtaman hanggang malakas na pag-ulan na may sukat na 50-100 mm ang posibleng maranasan sa Leyte, Southern Leyte, at Surigao del Sur.
Bukas, November 30, inaasahang tataas ang antas ng pag-ulan sa Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes, at Northern Samar, na maaaring umabot din sa 100-200 mm. Katamtaman hanggang malakas na pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Aurora, Quezon, Camarines Norte, Masbate, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, at Dinagat Islands.
Sa Linggo, December 1, magpapatuloy ang malakas na ulan sa Camarines Sur, Catanduanes, at Albay, habang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang inaasahan sa Quezon, Camarines Norte, Sorsogon, Northern Samar, at Eastern Samar.
Ayon sa babala ng PAGASA, maaaring mas mataas ang dami ng ulan sa mga bulubunduking lugar, at posibleng lumala ang epekto nito dahil sa naunang mga pag-ulan sa mga apektadong lugar.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko at mga tanggapan ng disaster risk reduction and management na maghanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. Maglalabas ang mga regional services division ng PAGASA ng Heavy Rainfall Warnings, Rainfall/Thunderstorms Advisories, at iba pang kaugnay na impormasyon ukol sa lagay ng panahon para sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang susunod na weather advisory ay inaasahang ilalabas mamayang alas-5 ng hapon, maliban na lamang kung mayroong mahalagang pagbabago sa lagay ng panahon. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay