Sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF), nakapamahagi ng tulong para sa mga magsasaka sa buong isla ng Catanduanes na naapektuhan ng super bagyong Pepito ang Department of Agriculture (DA) Bicol.
Ito ay upang muling mapalakas ang sektor ng agrikultura at matulungan ang mga magsasaka sa pagpapabuti ng kanilang produksyon sa kabila ng pinsalang iniwan ng bagyo sa agrikultura.
Pinangunahan ng DA-Agricultural Program Coordinating Office sa Catanduanes, kasama ang mga kawani mula sa regional office, ang pamamahagi ng nasabing tulong, na idinaan sa mga Municipal Agriculture Office ng bawat bayan.
Kabilang sa mga ipinamahaging supplies ang mga binhi ng ampalaya, talong, sitao, squash, pechay, patola, hot pepper, at kangkong, pati na rin ang mga kagamitan tulad ng garden tools (shovel, rake, sprinkler, at hoe), 2 knapsack sprayer, at 2 wheelbarrow. Bukod dito, namahagi rin ang DA Bicol ng laminated sacks sa mga munisipyo ng Pandan, Gigmoto, Bagamanoc, at Viga.
Umaasa ang DA na mapabuti muli ang ani ng mga magsasaka sa isla, lalo na sa pagsisimula ng planting season, at matugunan ang mga pangangailangang agrikultural, lalo na sa mga pinaka-apektadong lugar.
Ang proyektong ito ay isang bahagi lamang ng patuloy na pagsuporta ng DA Bicol sa mga magsasaka ng Catanduanes. | ulat ni Juriz Dela Rosa | RP1 Virac