Binibigyang pagkilala ngayon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kabayanihang ipinamalas ng tinaguriang Supremo ng Katipunan at Bayani ng Masa na si Gat Andres Bonifacio.
Kaalinsabay ito ng ika-161 taong kaarawan ng bayani na aniya’y bumangon at lumaban sa pang-aabuso sa kapangyarihan at nanguna sa pagkakahulagpos ng bansa mula sa pang-aapi.
Sinabi ng Pangulo na sa katapangan ni Bonifacio ay sinindihan nito ang alab ng Philippine revolution na nagbunga sa pagkakaisa ng bansa upang labanan ang mga mananakop.
Kaugnay nito’y hinikayat ng Pangulo ang lahat na bigyan ng mas malalim na pakahulugan ang sakripisyong ginawa ni Bonifacio upang mapalaya ang ating bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bahagi ang mamamayan laban sa kagutoman, korupsiyon, kriminalidad at iba pang sakit ng lipunan.
Dagdag ng Pangulo, magsilbi rin sanang gabay ang pagiging makabayan, disiplinado at may pagmamahal sa bawat isa para makamit ang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat isa ay nakapamumuhay sa kapayapaan, kaunlaran at pagkakasundo. | ulat ni Alvin Baltazar