Umapela ang Office of Civil Defense (OCD) sa Kongreso gayundin sa Lokal na Pamahalaan ng Cagayan de Oro City na maglaan ng pondo para makumpleto ang pagtatayo ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief warehouse sa Lumbia Air Base.
Ayon kay OCD Chairperson at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ang naturang pasilidad ay mahalaga sa deployment ng mga essential na supplies tuwing magkakaroon ng field missions at disaster relief operations.
Aminado si Teodoro na hindi nila kakayanin sa kagawaran na balikatin ang gastos kaya’t kailangan ng tulong ng Kongreso gayundin ng lokal na pamahalaan para mapunan ang construction at maintenance nito.
Ang Lumbia Air Base ay kabilang sa siyam na itinalagang lugar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kaya naman kumpiyansa si Teodoro na tiyak na magiging ligtas ang mga kinakailangang suplay na ihahatid sa mga apektado ng kalamidad lalo na’t ito ang tutok ng kanilang paghahanda. | ulat ni Jaymark Dagala