Para maplantsa ang panuntunan sa Vehicle Ownership Transfer, nagsagawa ng isang consultative meeting ngayong araw ang Land Transportation Office (LTO) sa ibat iba nitong stakeholders.
Partikular ito sa gagawing amyenda sa panuntunan sa mga nagbenta at nakabili ng segunda-manong sasakyan na hindi inilipat sa bagong may-ari ang rehistro ng sasakyan.
Kasama sa imbitado sa naturang konsultasyon ang ibat ibang kinatawan mula sa transport groups gaya ng biker groups, financial institutions, banks, motor vehicle at motorcycle buy-and-sell establishments, at dealers.
Ayon sa LTO, layon ng hakbang na ito na mapahusay ang proseso sa vehicle registration sa bansa.
Una nang sinuspinde ng LTO ang AO No. VDM-2024-046 kung saan papatawan ng malaking multa ang bibili at magbebenta ng segunda-manong sasakyan na hindi magre-report ng bentahan at maglilipat ng rehistro sa bagong may-ari ng sasakyan. | ulat ni Merry Ann Bastasa