Sinimulan na ng Commission on Elections 11 (Comelec 11) ngayong araw, December 2, 2024, ang demonstrasyon ng bagong Automated Counting Machine (ACM) sa Davao Region na gagamitin sa 2025 National and Local Elections.
Unang ipinakita ang paggamit ng ACM sa mga tauhan ng media sa loob ng kanilang opisina sa Mindanao Media Hub.
Inihayag ni Comelec 11 Assistant Regional Election Director Atty. Gay Enumerables na pagkatapos ng ACM Demonstration sa kanilang opisina, magtutuloy-tuloy na sa iba’t ibang panig ng rehiyon ang pagsasagawa ng demonstrasyon ng bagong makinarya na gagamitin sa eleksyon hanggang sa January 31, 2025.
Dagdag pa nito, sa December 7, pangungunahan ni Comelec Chairman Atty. George Garcia ang gagawing demonstrasyon sa Davao City National High School kasama ang ilang volunteer groups.
Nanawagan naman si Enumerables sa mga grupong nais ng ACM Demonstration na maaari lamang silang sumulat sa kanilang opisina at agad nila itong tutugunan, dahil nais ng Comelec na malaman ng lahat ng botante ang mga dapat gawin pagdating sa araw ng botohan. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao