Sinimulan ang kaganapan sa pamamagitan ng isang kick-off na pinangunahan nina Commission on Elections (COMELEC) Pangasinan Election Supervisor Atty. Ericson Oganiza at Dagupan City Election Officer Atty. Michael Franks Sarmiento.
Nabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng Media na personal na masubukan ang makinarya. Ipinakita rin ang iba’t ibang senaryo na maaaring maranasan sa gitna ng halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Atty. Oganiza, sabay-sabay na isinasagawa ang roadshow sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan. Tutunguhin ng roadshow ang mga paaralan, mga barangay, at iba’t ibang sektor upang maipakita ang pamamaraan ng paggamit ng ACM.
Magtutuloy-tuloy ang roadshow sa loob ng 60 days o hanggang ika-31 ng Enero 2025. Inihayag naman ni Atty. Sarmiento na target nilang mabisita ang lahat ng barangay sa Dagupan City upang maipakita ang bagong makinarya sa publiko.
Umaasa si Sarmiento na sa pamamagitan ng mga miyembro ng Media, mas maipapahatid ang pamamaraan ng paggamit ng bagong makinarya. | ulat ni Ricky Casipit | RP1 Dagupan