Kampante ang National Electrification Administration (NEA) na maibabalik na sa Disyembre 20 ang normal na suplay ng kuryente sa Catanduanes.
Ito ang tiniyak ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, nang magsagawa ng inspeksiyon sa progreso ng restoration activities sa lalawigan.
Nagpakalat ng 206 line workers ang NEA at Philippine Rural Electric Cooperatives Associations Inc. (PHILRECA) sa Catanduanes mula sa Luzon at Visayas, para mapadali ang pagkumpuni sa mga sirang linya dahil sa epekto ni bagyong Pepito.
Base sa ulat ng First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO), naibalik na ang 66 percent ng serbisyo ng kuryente sa barangay level at 76% sa mga tuntunin ng consumer connections.
Tinatayang nasa 60,657 consumer ang nakakaranas pa ng power interruptions.
Kaugnay nito, nagkaloob pa ng P46 million na financial assistance ang NEA sa FICELCO para madagdagan ang kanilang resources.
Una nang humiling ng P90.6 million ang FICELCO para magamit sa pagsasaayos ng mga nasirang pasilidad. | ulat ni Rey Ferrer