Ikinalugod ng Commissions on Elections (COMELEC) ang naging impresyon ng publiko sa isinagawa nilang roadshow demonstration sa iba’t ibang bahagi ng bansa, upang maipakita sa publiko ang mga gagamiting automated vote counting machines (ACMs) sa 2025 elections.
“Tinitingnan din po mismo iyong paggalaw at pagkilos ng ating mga kababayan, mahihirapan ba sila, hahaba ba iyong pila, nagta-time in motion studies din kami nang sa ganoon ma-improve po natin iyan na ang suma total ay mas magandang voting experience. Inihahanda din po natin ang ating contingency machines at sa tulong ng Commission on Higher Education ay nagti-training kami ng sapat na bilang ng technicians na idi-deploy sa iba’t ibang bahagi ng bansa.” —Laudiangco
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco, na natuwa ang mga botante na nakibahagi sa roadshow na sabay-sabay umarangkada kahapon sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nakita aniya ng publiko kung gaano kadali at transparent ang paggamit ng ACMs ng Miru System, at nawala aniya ang duda ng mga ito sa pagbasa ng makina sa kanilang mga boto.
“Sinisiguro din po natin, mayroon pa tayong gagawin na tinatawag nating field test na nagawa natin noong nakaraang linggo. Mayroon pa tayong gagawing mock elections, malapit na ito sa katapusan ng Disyembre, kung saan sa tulong ng aktuwal na mga miyembro ng electoral boards at humihiling tayo ng partisipasyon ng totoong mga botante ay makita rin natin ang general conduct ng automated elections sa iba’t ibang panig na lugar.” —Laudiangco
Kung matatandaan, una na ring sinabi ng COMELEC na nakumpleto na ng Miru System ang delivery ng higit 110,000 ACMs sa Pilipinas isang buwan na mas maaga, kumpara sa itinakdang schedule. | ulat ni Racquel Bayan