Muling nanawagan si Senate President Chiz Escudero sa kanyang mga kapwa senador na iwasan ang pagbibigay ng anumang public statements tungkol sa mga alegasyong nilalaman ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang pahayag na ito ng pinuno ng Senado ay kasunod ng inihaing impeachement complaint laban kay VP Sara ng mga advocacy group.
Giit ni Escudero, ang paghahain at pag-eendorso ng isang impeachement compalint sa Kamara ay hudyat ng pagsisimula ng isang proseso sa Konstitusyon para matiyak ang accountability sa mga matataas ng opisyal ng bansa.
Kaya naman sakali aniyang maging impeachment court ang Senado, anumang persepsyon ng bias o pre-judgment ay makakaapekto sa integridad ng impeachment trial at sa tiwala ng publiko sa Senado bilang isang institusyon.
Binigyang-diin ng senador na bagama’t itinuturing na isang political exercise ang impeachment, mahalaga pa ring manatiling walang kinikilingan ang mga senador.
Pinaalala rin ni Escudero na hindi dapat hayaan ng mga senador na makasagabal ang impeachment proceedings sa kanilang pangunahing trabaho na gumawa ng mga batas para ibigay ang pangangailangan ng taumbayan, tugunan ang national concerns at patatagin ang republika.| ulat ni Nimfa Asuncion