Nagpahayag ng pagkadismaya si Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa hindi pagpapatupad ng Republic Act 11650 o ang Inclusive Education Act.
Ito ang batas na magtitiyak na magkakaroon ng polisiya para matiyak na magiging inclusive sa learners with disabilities ang pag-aaral sa bansa.
Sa pagdinig ng kanyang kumite ngayong araw, binigyang diin ni Gatchalian na nakakadisyamang inabot ng dalawang taon ang pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas at matapos ng anim na buwan mula nang mabuo ang IRR ay hindi pa rin ito nalalathala.
Napirmahan ang naturang batas noong March 2022 at nitong July 2024 lang napirmahan ang IRR ng batas.
Ipinaliwanag naman ng Department of Education (DepEd) na ang delay ay dahil sa pending publication ng IRR ng batas.
Giit ni Gatchalian, maituturing itong disservice sa mga learners with disabilities.
Sinabi naman ni Education Director IV Leila Areola na sinabihan silang nitong December 2 ilalathala ang IRR pero hindi pa ito nakukumpirma.
Hinimok naman ni Gatchalian ang DepEd na tutukan ang sitwasyon, ilathala na ang IRR at ipatupad na ang mga probisyon ng batas na kayang maipatupad na ngayon. | ulat ni Nimfa Asuncion