Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang mga ahensya ng pamahalaan na palakasin ang kampanya ng pamahalaan sa pagbibigay ng angkop na nutrisyon sa mga Pilipino, sa pagunguna ng National Nutrition Council (NNC).
Sa sectoral meeting sa Malacañang (December 3), ipinag-utos nito na pangunahan ng NNC ang Philippine Plan of Action for Nutrition.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, binigyang-diin ng Pangulo na dapat, magtulong-tulong ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, sa pagsusulong ng nutrisyon ng mga Pilipino, simula sa mga bata.
Magiging katuwang aniya ng DOH sa kampanyang ito ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagpapatupad ng mga programa na tutugon sa pangangailangan sa tamang nutrisyon sa unang 1,000 araw ng sanggol.
Sa panahong ito kasi aniya hinuhubog ang nutrisyon at kalusugan ng sanggol para hindi ito maging bansot.
Kabilang rin sa utos ng Pangulo na pag-isahin ang feeding program ng mga ahensya ng pamahalaan kasama ang mga lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi maaaring sa LGUs lamang iasa ang mga pagkilos o pagpapatupad ng feeding program at iba pang nutrition program.
“That’s why, we actually have to do it ourselves at the national level. That’s why, I think we should put a little more activity under NNC. And, hopefully we will find local government executives that are good and have this as a priority. But those that do not, we can come in and assist them,” paliwanag ng Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan