Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko na huwag ipagsawalang-bahala ang mga banta at panganib na dulot ng Shear Line.
Ayon kay OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, dapat makinig ang lahat sa mga babala buhat sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng PAGASA, Mines and Geosciences Bureau, at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)-OCD.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na nakasalalay sa pakikiisa ng publiko, gayundin ang pagiging laging alerto ang kaligtasan nito.
Ang Shear Line ay bunga ng pagsasalubong ng malamig na hangin mula sa hilagang silangan, kilala bilang Northeast Monsoon o Amihan, at ng Easterlies, ang mainit na hangin mula sa karagatang Pasipiko.
Nabubuo ang maraming ulap dahil dito na siyang nagdudulot ng malakas na pag-ulan gayundin ng thunderstorms na nagreresulta naman sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa. | ulat ni Jaymark Dagala