Nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa, sa pamamagitan ng Public Information Office, ng comprehensive communications training para sa mga Truth Advocates ng lungsod, isang grupo ng masigasig na indibidwal na nagsisilbing mapagkakatiwalaang sources ng impormasyon, contact persons sa mga barangay at opisina ng gobyerno, at content creators na committed labanan ang fake news at palaganapin ang tamang komunikasyon.
Dumalo sa event si Mayor Ruffy Biazon at ang Regional Director ng Philippine Information Agency – NCR na si Mr. Emver Cortez, bilang resource speaker.
Nagbigay si RD Cortez ng isang makabuluhang talakayan tungkol sa kahalagahan ng maaasahang pagkuha ng balita at ang kritikal na papel ng Public Information Office sa pagsuporta sa mga pagsisikap na ito.
Binigyang-diin niya ang mga strategies upang matukoy at labanan ang fake news, at siguraduhing makarating sa komunidad ang totoo at tamang impormasyon.
Tinalakay din ni Mr. Cortez ang mahalagang papel ng komunikasyon sa epektibong pamamahala sa lokal na pamahalaan.
Lumahok sa training ang mahigit 150 Truth Advocates mula sa iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Lungsod, barangay, at national government agencies. Ang mga dedikadong indibidwal na ito ay mas handa na ngayong suportahan ang misyon ng lungsod para sa transparency at integridad sa pampublikong komunikasyon.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Biazon sa lahat ng dumalo at binigyang-diin ang kahalagahan ng ganitong mga inisyatibo sa pagbuo ng isang well-informed at vigilant na komunidad. “Sa panahon ng impormasyon, mahalaga na bigyan natin ng tamang kagamitan at kaalaman ang ating mga truth advocates upang labanan ang maling impormasyon at itaguyod ang katotohanan,” aniya.
Ang Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ay nananatiling committed sa pagsusulong ng tumpak at maaasahang impormasyon, kasabay ng pagtiyak na ang publiko ay well-informed at engaged. | ulat ni Lorenz Tanjoco