Idinaos kahapon, December 4, 2024, ang World Diabetes Day Symposium sa La Roca Veranda Suites, Legazpi City, na dinaluhan ng mga mag-aaral, Barangay Health Workers (BHWs), at mga miyembro ng komunidad mula sa buong rehiyon. Layunin ng aktibidad na magbigay ng mas malalim na kaalaman at kamalayan tungkol sa diabetes, kabilang ang mga sanhi, sintomas, uri, komplikasyon, at mga maling akala ukol dito.
Ang programa ay nagsimula sa isang Zumba session, na sinundan ng mga talakayan hinggil sa mga preventive strategies at makabagong pamamaraan sa pamamahala ng diabetes, tulad ng tamang lifestyle, mga gamot, insulin, at teknolohiya. Tinalakay rin ang mga epekto ng diabetes sa mga bato, pati na rin ang psychosocial na epekto ng sakit at obesity.
Sa temang “Breaking Barriers, Bridging Gaps,” binigyang-diin ng DOH Bicol ang kahalagahan ng maagang pagkonsulta at tamang pangangalaga sa kalusugan upang maiwasan at mapamahalaan ang diabetes. Ang event ay naglayong mapalawak ang kamalayan at magbigay ng pantay-pantay at de-kalidad na paggamot para sa mga naapektuhan ng sakit. | Ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay