Nakapagtala ng isang rockfall event ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) batay sa pinakahuling ulat ngayong araw, December 5. Sa kabila nito, nananatili pa rin sa alert level 1 ang bulkan at nagkaroon ng mahinang banaag o crater glow sa bunganga ng bulkan na naaaninag lamang sa telescope.
Nakapagtala din ang bulkan ng nasa 158 tonelada bawat araw ng Sulfur Dioxide na ibinunga ng Bulkang Mayon batay sa monitoring ng ahensya sa nakalipas na 24 oras at katamtamang pag-singaw o plume na napadpad sa kanluran-timog-kanluran at timog-kanluran. Nagkaroon din ng panandaliang pamamaga ang bulkan.
Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 km Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan o magkaroon ng rockfall mula sa tuktok ng bulkan. Maaari din maganap ang pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Patuloy na pinapayuhan ng PHIVOLCS ang mga residente sa mga kalapit na lugar na maging alerto at sumunod sa mga abiso ng mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. | Ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay