Panukalang batas para maprotektahan ang mga endorsers laban sa investment scams, inihain sa senado

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naghain si Senador Robin Padilla ng isang panukalang batas upang patawan ng parusa ang mga gumagawa ng investment scam at magtitiyak na hindi madadamay dito ang mga celebrity endorsers.

Layon ng Senate Bill 2889 ni Padilla na iwasang maulit ang nangyari sa artistang si Nerizza “Neri” Naig-Miranda, na inaresto dahil sa reklamong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code.

Paliwanag ng senador, kadalasan kasing ang mga endorser ang naaakusahan ng krimen na may kinalaman sa investment scam dahil ang kanilang mukha at pangalan ang nakabalandra para makaakit ng mga customer para sa serbisyo o produktong inaalok.

Kaya naman sa ilalim ng panukalang “Product Endorsers Protection Act” ni Padilla, lahat ng product endorsement agreements ay dapat may “full disclosure” tungkol sa negosyo at sa mga produktong sakop ng endorsement.

Dapat ay malinaw din aniya ang ganitong kasunduan kung ang negosyo ay nagbebenta ng investment contracts at ibang securities.

Maaaring kasuhan ang mga endorsers na nagpakilalang ahente ng negosyo na hindi pinahihintulutang magbenta ng investment contract at ibang securities.

Sa panukalang batas, papatawan ng multang P100,000 ang unang paglabag; P300,000 sa ikalawang paglabag; at P500,000 hanggang P1 milyon at pagbawi ng Certificate of Registration sa ikatlong paglabag. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us