Napapanahon na para gawing bahagi ng National Building Code ang paglalagay ng modernong fire prevention system sa mga heritage sites sa buong Pilipinas ayon kay Senador Francis Tolentino.
Sinabi ito ng senador kasunod ng pagkakasunog ng makasaysayang Manila Central Post Office.
Ikinalungkot ni Tolentino na nabigo ang mga rumesponde sa sunog na maapula kaagad ang apoy gayong katabi lang ito ng Pasig River.
Mayroon naman aniyang mga fireboats na pwedeng gamitin kung saan dapat ginamitan ng water pump para kumuha ng tubig sa ilog na pang apula ng apoy.
Dinagdag rin ni Tolentino na ang naturang insidente ay dapat nang magsilbing wake up call sa mga awtoridad na i-assess ang lahat ng mga heritage sites sa bansa, kabilang na ang mga pagmamay-ari ng mga pribadong indibidwal.
Aniya, ang mga makasaysayang istrakturang ito ay testigo sa makulay na nakaraan ng bansa kaya dapat lang itong pangalagaan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion