Muling magpupulong ang House Blue Ribbon Committee para plantsahin at pag-isahin ang mga rekomendasyon ng mga miyembro nito kaugnay sa naging pagsisiyasat nila sa isyu ng paggamit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Sa naging pulong ng komite ngayong araw, lumutang ang ilang rekomendasyon gaya ng posibleng pananagutan ng Pangalawang Pangulo at kaniyang mga tauhan sa kasong plunder at technical malversation, bribery, falsification of documents at maging purjery.
Pero paglilinaw ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng Komite, aaralin pa ng buong komite ang mga rekomendasyon na ito at isasapinal oras na magbalik sesyon ang Kongreso pagkatapos ng Christmas break.
“…pag-uusapan pa namin but ito yung mga nakita naming na possible violation in the course of the hearing…Wala pang specific kasi kanya kanyang recommendation po yan e ng mga members sa kanila ito yung mga obserbasyon nila. Final details hindi pa po namin pinaf inalize pero ito yung mga nakita na violation,” paliwanag ni Chua.
Sa panig naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop, vice-chair ng Komite, ipauubaya na nila sa kinuukulang ahensya ng pamahalaan na imbestigahan kung mayroon bang mga krimen na nangyari sa paggamit ng confidential funds.
Partikular na dito posibleng paglabag sa Joint Circular 2015-01 na siyang guidelines sa paggamit ng Confidential at Intelligence Fund.
Kung ibabatay kasi aniya sa testinomiya ni Edward Fajarda at Gina Acosta na special disbursing officer ng DEPED at OVP, tila naging ‘middleman’ sila ng confidential fund na kanilang ipinasa sa security officers na sina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Dante Lachica.
Diin pa niya na sa laki ng halaga ng pera na pinag-uusapan ay maaari itong ikonsidera na plunder.
“Let me remind the public of what is at stake here: it would constitute graft and corruption if public funds are misused or misappropriated or worse, if funds are diverted to personal use or benefit. And given the amount we are talking about here, this is clearly plunder. We leave it to the investigative bodies of the government to investigate the crimes committed here. Meanwhile, our task now is to legislate measures that will leave no room for pilferage of public funds,” sabi ni Acop.| ulat ni Kathleen Forbes